Pumunta sa nilalaman

Panahong Kamakura

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Pagbabago noong 15:09, 3 Setyembre 2021 ni Glennznl (usapan | ambag)

Nagsimula ang panahon ng Kamakura noong taong 1185. Panahon ito sa kasaysayan ng Hapon na kung saan nagsimula ang mga sugun. Opisyal itong itinatag ng unang sugun na si Minamoto no Yoritomo noong taong 1192. Maituturing din itong simula ng panahong pyudal.

Natapos ang Panahon ng Kamakura noong taong 1333 nang maibalik ang kapangyarihan sa Trono ng Krisantemo sa ilalim ni Takaharu o mas kilala bilang Emperador Go-Daigo sa tulong nila Ashikaga Takauji, Nitta Yoshisada at Kusunoki Masashige.

Ang Bakufu at ang Haliling Pamumuno ng mga Hojo

Ang panahon ng Kamakura ay isang panahon ng pagbabago na kung saang ang tradisyunal na pamahalaan, ang Korte at ang Emperador ng Hapon ay naging mga tau-tauhan na lamang sa mga tunay na humahawak na kapangyarihan, ang uring mandirigma. Sila ang may hawak ng kapangyarihang sibil, militar at hudikatura.

Ang terminong pyudal sa panahong ito sa Hapon ay parehas din ng mga kaganapang pyudal sa Europa. Parehong nakabatay ang kanilang mga ekonomiya sa mga lupa at sakahan. Dating nakasentro ang mga pamumuno sa monarkiya pero nahatak ito ng mga uring mandirigma dahil sa kanilang mas abanteng mga teknolohiya at istratehiya sa pakikipaglaban. Ang mga panginoon ay nangailangan ng mga basalyo (utusan) na kapag maayos ang kanilang pagsunod ay ginagantimpalaan ng mga lupain. Itong sistemang panlipunan at pangkabuhayan ay mas malayo sa naunang sistemang shoensa panahong Heian dahil sa militaristikong kakayanan ng mga naghaharing uri.

Nang mapasakamay ni Yoritomo Minamoto ang kapangyarihan, nagtatag siya ng panibagong pamahalaan sa kanyang sariling bayan sa Kamakura. Tinawag niya itong bakufu o pamahalaan na nasa tolda o kubol. Pero dahil ginawaran siya ng Emperador ng titulong Sei-i Taishogun, ang kanyang gubyerno ay karaniwang tinatawag na “shogunate” sa Ingles o Sugunato sa atin (minsan: Kasugunan).

Sinunod ni Yoritomo ang uri ng pamamahala ng mga angkang Fujiwara. Nagtatag siya ng Sangguniang pampamahalaan, Sanggunian ng mga tagasunod at sa mga tagapag-imbestiga.

Nang kumpiskahin niya ang mga lupa ng angkang Taira sa Gitna at Kanlurang bahagi ng Hapon, inatasan niya ang Korte ng Imperyo na magluklok ng mga tagapangalaga ng mga lupain at mga hepe sa mga lalawigan. Natural bilang Sugun si Yoritomo ang Punong Tagapangalaga at Punong Hepe.

Hindi sa buong bansa laganap ang kapangyarihan ng bakufu na nakabase sa Kamakura. Bagaman marami silang hawak na mga lupain, malakas ang mga pagtutol sa mga Tagapangalaga. Nagpatuloy ang pakikipaglaban ng rehimen ni Yoritomo sa mga angkang Fujiwara na nakabase sa Hilaga, pero hindi nila nagapi o napasailalim ang mga ito, ganun din yung mga paksiyon ng Fujiwara na nasa kanlurang bahagi.

Ang Korte ng Imperyo na nasa Kyoto ay patuloy sa kanilang mga pamamahala sa mga lupang nasa ilalim ng pangangalaga ng punong-lungsod na ito. Pero ang mga bagong tatag na mga angkang mandirigma ay naengganyo o sumanib sa pamahalaan na nasa Kamakura.

Bagamat naging malakas ang simula ni Yoritomo, nabigo siyang kunin ang kapangyarihan ng pangmatagalan para sa kanyang pamilya. Napakarami din kasing mga intriga, tampuhan at ayawan ang nasa loob ng angkang Minamoto kahit na inalis na ni Yoritomo mismo sa loob ng kanyang angkan ang mga malalakas na banta sa kanya.

Noong taong 1199, biglaan ang naging kamatayan ni Yoritomo, ang kanyang anak na si Yoriie ang naging sugun at matatawag na ulo ng angkang Minamoto. Pero hindi naging magaling na pinuno si Yoriie dahil hindi niya nagawang mapasailalim ang mga mandirigmang angkan na nasa silangan. Noong unang bahagi ng ika-13 dangtaon, isang haliling pamamahala ang naitatag para sa sugun na galing sa angkan ng kanyang ina. Ang mga humaliling tagapamahala ay ang mga Hojo, isang sangay ng angkang Taira na sumanib sa mga angkang Minamoto noong taong 1180.

Subalit sa ilalim ng mga angkang Hojo, lalong nawalan ng kapangyarihan ang bakufu, at ang sugun na karaniwang galing sa angkan ng mga Fujiwara at minsan prinisipe pa nga ng Imperyo, ay nagmistulang tau-tauhan lang.

Sa kadahilang yaong tagapagtanggol ng Emperador ng Hapon na siyang tauhan-tauhan ay tau-tauhan din, hindi malayong magkaroon ng alitan sa pagitan ng Kyoto at ng Kamakura. At noong taong 1221 nga ay nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng dalawang sentro ng kapangyarihang ito.

Tinawag itong Insidenteng Jokyu na kung saan nagkaalitan ang mga Retiradong Emperador na nasa Insei (o nakakubling gubyerno) ng Kyoto at ang Haliling Tagapamahala na Kamakura. Sa insidenteng ito, madaling natalo ng mga Hojo ang pwersa ng Emperador at dahil dito ang Korte ng Imperyo ay napasailalim sa kontrol ng bakufu.

Nagkaroon tuloy ng kapangyarihang sibil ang mga hepe ng sugun, at simula noon lahat ng mga gagawin sa Korte ng Imperyo ay kailangan dumaan muna sa Kamakura at kailangang may basbas ito ng Sugun. Bagaman walang kapangyarihang pampolitika ang Korte ng Imperyo, pinayagan pa din ng mga Sugun na ilagay sa pangagalaga ng Kyoto ang mga malalaking lupain kinasasakupan ng punong-lungsod. Dahil ito sa dalawang rason. Una, para mapanatili ang maluhong pamumuhay ng mga maharlika, at Pangalawa, para basbasan pa din ng Emperador ang patuloy na pamumuno ng bakufu dahil naniniwala ang mga Hapones na diyos ang kanilang mga Emperador. (Naputol lamang itong paniniwalang ito sa Panahon ni Hirohito)

Maraming mga mahahalagang tagumpay sa papamamahala ang naidulot ng mga Hojo. Noong taong 1225 binuo nila ang Konseho ng Estado na nagbigay daan para sa ibang mga panginoong mandirigma na magkaroon ng kapangyarihan na panghudikatura at pangmababatas sa Kamakura. Ang mga Hojo ang namuno sa Konseho na ito na maituturing na isang matagumpay na uri ng sama-samang pamamahala.

Nang maipatupad ang unang batas-militar noong taong 1232 na kung tawagin ay Kodigo Joei, ipinakita nito ang paglilipat ng kapangyarihan mula sa Korte ng Imperyo patungo sa isang lipunang nasailalim ng batas militar. Bagaman ang mga batas ng Imperyo na nasa Kyoto ay nanatilihing impluwensiyado ng mga kaisipan ni Confucius, ang Kodigo Joei ay nagsasalaysay ng mga tungkulin ng mga Tangapangalaga at mga Hepe. Bagaman maikli lamang ito, malinaw at tumpak naman nitong sinosulosyunan ang ma problema sa lupa at sa pagkakaroon ng mga mana gayon din ang mga kaparusahan ng mga lalabag dito. Tumagal ang Kodigo Joei sa loob ng 635 na taon.

Gaya ng inaasahan ang mga panitikan ng panahong ito ay lumalarawan sa walang katiyakang mundo ng mga Hapones. Ang Hojoki (Kuwento ng Aking Kubo) ay nagsasaad ng kaguluhan ng panahon ayon sa konsepto ng Budismo ng walang kasiguruhan at ang mga walang kabuluhang paghahangad ng mga tao. Ang Heike Monogatari (Kuwento ng mga Heike) o nagsalaysay ng pag-angat at pagbagsak ng angkang Taira (na mas kilala din bilang Heike) na puno ng mga kuwento ng digmaan at mga gawi ng mga samurai. Ang isa pang ambag ng panahong ito ang patuloy na antolohiya ng mga tula sa Shin Kokinshu Wakashu (Bagong Koleksiyon ng Sinauna at Makabagong Panahon) na kung saan dalawampung tomo ang nalikom mula taong 1201 hanggang 1205.

Paglago ng Budismo

Sa panahon ng kaguluhan at pagkakawatak-watak at ang lumalalang kawalan ng pag-asa ang nagtulak sa marami para hanapin ang katubusan sa mga problemang ito. Ang panahon ng Kamakura ang masasabing Panahon ng Paglaganap ng Budismo.

Dalawang bagong sekta ang naitayo dito. Ang Jodo (Lupang Dalisay) at ang Zen (Pagninilay) na siya ring sumikat sa panahong ito. Ang mga naunang sekta na naitayo sa Panahon ng Heian ay medyo mahirap maitindihan kung kulang sa pinag-aralan kung kayat malakas ang dating mga naunang sekta sa mga intelektwal kesa sa masa. Ang monasteryo sa Bundok Hiei ay nagkaroon ng pampolitika na kapangyarihan dahil sa koneksiyon at lapit nito sa Kyoto, pero yung kanyang mga doktrina ay nangangailan ng matagal na pag-aaral bago lubusang maintindihan. Ito ang naging daan para mabuhay ang sektang Jodo.

Sa Jodo, wala lang dapat gawin kundi ang tuwirang pananampalataya, dibosyon at pagdarasal kay Amida Buddha.

Sa kabilang banda, iba naman ang sektang Zen. Dito walang halaga ang pag-aaral at mga panahong pinaggugugulan ng tao. Para sa mga naniniwala ng Zen, ang personal pag-uugali ang dapat na tinututukan at hindi ang mga aral ng mga kasulatang banal at mga namumuno nito. Dahil sa paniniwalang ito, pinahalagahan ng mga uring mandirignma ang kaisipan ng Budismong Zen.

Pagsalakay ng mga Mongol

Isang malaking kaganapan sa Kasaysayan ng Hapon ang pagpigil sa pagsalakay ng mga Mongol. Natigil ang ugnayan ng Hapon sa Tsina noong kalagitnaang bahagi ng ikasiyam na dangtaon nang humina ang dinastiyang Tang at ang pagtutok sa mga kaganapang panloob ng Korte sa panahon ng Heian. May mga mangilan-ngilan ding mga kontak na naganap sa mga katimugang bahagi ng Tsina pero dahil sa mga piratang Hapones, naging delikado ang mga paglalayag.

Sa panahon na walang interes ang bakufu sa ugnayang panlabas at habang ipinaiisang-tabi nila ang mga sulat galing sa Tsina at Koryo (lumang pangalan ng Korea), dumating ang isang balita noong taong 1268 galing sa bagong rehimeng Mongol na itinatag sa Beijing.

Ang kanilang pinuno na si Kublai Khan ay humingi na magbayad ng tributo ang Hapon sa bagong dinastiyang Yuan (1279–1368) dahil kung hindi ay makakatim sila ng hindi maganda dito.

Dahil hindi naman sanay sa ganitong mga banta ang Korte sa Kyoto, ipinangalandakan ng Trono ng Krisantemo na sila’y mga anak ng langit (na dati ng ginawa ni Prinsipe Shotoku Taishi), kung kaya’t tinutulan nila ang hiling ng mga Mongol, pinalayas ang mga mensaherong Koryano, at naghanda sila para sa isang paglusob. May mga sumunod pang mga mensahe pero ganun din ang ginawa ng korte sa Kyoto.

Dahil dito naglunsad ng pagsalakay ang mga Mongol noong taong 1274. Halos 600 mga barko na naglalaman ng 23,000 mga sundalo na binubuo ng mga Mongol, Intsik at Koryano kasama ang mga mabibigat ng gamit pandigma ang ipinadala ni Kublai Khan.

Bumaba ang mga tropang ito sa Hakata, hilagang Kyushu na sinalubong naman ng mga nakahandang samurai. Pero dahil sanay ang mga samurai sa pakikipaglaban ng mano-mano o isa-laban-sa-isa, laking gulat nila ng sumalakay ang mga tropa na pinamumunuan ng mga Mongol na nakapormasyon. Dahil diki-dikit ang mga mananakop nagulat din sila sa istilo na ipinamalas ng mga samurai. Sa kalagitnaan ng labanan nagkaroon ng isang mabangis na unos at sa isang iglap ay naglahong parang bula ang 23,000 ng mga mananakop kasama ang kanilang mga barko.

Napagtanto ni Kublai Khan na ang kanyang pagkatalo sa Hakata ay hindi dahil sa walang kakayahang mga mandirigma kundi klima. At dahil dito, nagpadala ulit siya ng Ikalawang grupo na sasakop sa Hapon.

Itong ikalawang grupo ay lumapag sa hilagang-kanlurang bahagi ng Kyushu na hinarap naman ng mga samurai. Umabot sa pitong linggo ang labanan sa pagitan ng dalawang grupong ito, pero gaya noong una, isang mabangis ulit na unos ang tumapos sa tropa ng mga mongol.

Naniwala ang mga pari ng relihiyong Shinto na ang pagkatalo ng mga Mongol ay dahil sa Kamikaze o Banal na Hangin, isang espesyal na sagisag ng kalangitan sa pagprotekta niya sa Hapon.

Samantala sa mga namumuno naman sa bakufu, isang malalim na aral iyon sa kanila. Isang malalim na takot ang ibinunga ng pagsalakay ng mga Intsik sa kaisipan ng mga Hapones. Naniwala din sila ang tungway ng Korea ay isang panundlang nakatutok sa puso ng Hapon.

Ganunpaman, ang kanilang pagkapanalo ay nagpalaki sa ulo ng mga uring mandirigma na tumagal hanggang 1945. Nakumbinsi din ang mga mandirigmang uri sa kahalagahan ng pamamahala ng bakufu.

Naging malaking pabigat sa ekonomya ang Digmaang Mongol, kung kayat nangailang ng mga bagong buwis para mapanatili ang paghahanda sa mga susunod pang pagsalakay ng mga Mongol. Maraming mga samurai ang nawalan ng gana sa gubyerno dahil karaniwan kasi lahat ng mga labanan na kanilang pinagdadaanan ay nakakatanggap sila ng gantimpalang lupa sa mga kalabang kanilang mga natalo. Pero dahil dayuhan ang kanilang mga natalo walang lupang nakamkam na maipamamahagi ang mga heneral.

Wala na ngang gantimpala na nakuha, tumaas pa ang buwis, at kailangan pang manilbihan bilang paghahanda sa mga susunod na pag-atake, ang naging sanhi ng paghina ng bakufu ng Kamakura.

Dagdag pa dito dahil nakasaad sa Kodigo Joei na paghahati-hatian ang mga lupa ng mga tagapagmana, lumiit ang mga kayamanan ng mga pamilya, at ang mga panginoong maylupa ay lumapit sa mga tagapagpautang para lamang maiahon ang kanilang pamilya. May mga galang ronin din na nambibiktima ang isa pang banta sa katatagan ng bakufu.

Digmaang Sibil

Dahil sa lumalang kaguluhan, isinagot ng mga Hojo dito ang pagbibigay pa ng mga karagdagang kapangyarihan sa mga malalaking angkan. At para humina at hindi makapanghimasok ang mga nasa Korte ng Imperyo, napagdesisyunan ng bakufu na bumuo ng dalawang Korte ng Imperyo na maghahalinhinan sa Trono ng Krisantemo. Ito ay ang Korte sa Hilaga na kung tawagin ay nakakatandang linya at ang Korte sa Timog na tinaguriang nakababatang linya.

Tumakbo naman ng maayos ang halinhinang ito, hanggang umupo ang isa sa kasapi ng Korte sa Timog na si Takaharu o mas kinilala bilang Emperador Go-Daigo. Gustong wakasan ni Takaharu ang mamumuno ng bakufu, at hayag niyang tinutulan ang utos ng mga nasa Kamakura nang pangalanan niya ang kanyang anak na uupo sa Trono ng Krisantemo at hindi yung mga nasa Korte sa Hilaga.

Ipinatapon si Emperador Go-Daigo ng Kamakura noong 1331, pero nagrebelde ang mga pwersang loyalista sa Emperador. Tinulungan sila ni Takauji Ashikaga, isang hepe na ipinadala ng Kamakura para supilin ang paghihimagsik ni Emperador Go-Daigo. Sa panahon ding iyon, isa pang hepe na nasa silangan ang nag-alsa, at dahil dito natalo ng mga Hojoat tuluyang nalusaw ang bakufu .

Sa sunod-sunod na panalo, pinagtrabahuang maigi ni Takaharu o Emperador Go-Daigo na manumbalik ang kapangyarihan sa Korte ng Imperyo. Itong panahon ng reporma ay kinalala bilang Panumnumbalik ng panahong Kemmu (1333–36). Nilayon niton patatagin ang katayuan ng Emperador at ilagak ang maharlika ng korte bago ang mga uring mandirigma.

Subalit iba ang nangyari. Ang mga pwersang umanib kay Takaharu na lumaban sa Kamakura ay sa totoo lang isa ang layunin at iyon ay pataubin ang mga Hojo, at hindi para suportahan ang Emperador. Sa isang digmaang sibil, sumanib si Takauji Ashikaga sa Korte sa Hilaga laban sa Korte sa Timog na kinakatawan ni Takaharu. Ang mahabang labanan ng mga Korte ay tumagal mula 1336 hanggang 1392 o 56 na taon.

Sa unang bahagi ng digmaan, nataboy si Takaharu palayo sa Kyoto, at ang iniluklok ni Takauji Ashikaga ang isang emperador galing sa Korte sa Hilaga. At si Takauji naman ang naging bagong sugun.